TINULAK ng bully China sa pader ang Pilipinas. Napuno na ang salop, ‘ika nga. Nagpasya ang Pilipinas na komprontahin na ang bully. Tumutulong pa sa Pilipinas ang mga kaibigang nakasaksi sa pang-aabuso ng China. Ngayon nagngangangalngal ang bully China na kesyo raw inaapi siya.
‘Yan ang karaniwang asal ng bully. Babatuk-batokan ka, kakayan-kayanin ka, aapi-apihin ka. Pero kailangang tumindig laban sa bully. Kundi’y habambuhay kang pagsasamantalahan.
Tatlo’t kalahating dekada nang binu-bully ng China ang Pilipinas. Inagaw ang pitong bahura sa loob ng exclusive economic zone at extended continental shelf natin nu’ng 1987-1988. Tinayuan ng air force at naval bases ang tatlo ru’n: Panganiban (Mischief) Reef nu’ng 1995; Zamora (Subi) at Kagitingan (Fiery Cross) Reefs nu’ng 2013-2014.
Sinakop din ang Panatag (Scarborough) Shoal nu’ng 2012 at Sandy Cay nu’ng 2017. At pinaliligiran ngayon ng mga barkong pandigma ng China ang Pag-asa Island, Kalayaan, Palawan, at karatig na Julian Felipe (Whitsun) Reef.
Ninanakaw ang isda sa paligid ng mga bahurang ‘yon at sa Recto (Reed) Bank. Pati oil at gas sa Sampaguita fields ng Recto Bank ay inangkin ng bully. Pinapasok din ng Chinese submarines at warships ang Benham Rise sa silangan ng Luzon, Balintang Channel ng Batanes sa hilaga, at Sibutu Strait ng Tawi-tawi sa timog.
Pati panloob na Sulu Sea sa pagitan ng Palawan at Panay ay ginalugad ng Chinese spy ship nu’ng 2022. At malimit manghimasok ang mga Chinese fighters sa airspace ng Pilipinas.
Nagdaos ng joint military exercise ang Philippine at United States navies. Nag-live fire ng missiles at kanyon ang 5,000 Pilipino at 12,000 Amerikanong sundalo. Tumutulong din ang Japan, Korea, India, Australia, Britain, France, Germany at Canada sa Pilipinas—at sa iba pang biktima ng bully China na Vietnam, Malaysia, Indonesia at Taiwan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).