Iba’t iba ang paraan ng mga Pangulo kung dumesisyon. Si Cory Aquino nu’ng una pinupulong ang Cabinet at, sa botohan ng lahat, pinapasya ang mga isyung kabuhayan, seguridad at ugnayang panlabas. Pati secretaries na walang kinalaman sa ekonomiya o militar o relasyon sa ibang bansa ay nakikigulo. Sa kabilang dako pinapayuhan siya ng executive secretary ng mga dapat iutos agad para maharap ang anumang lumilitaw na krisis.
Bihasa sa burokrasya si Fidel Ramos bilang dating hepe ng DND, AFP at PC-INP. Batay sa hiwalay o grupong payo ng national security adviser o presidential chief legal counsel dinidirekta niya ang Cabinet. Kinaibigan niya ang Senate President at Speaker. Masipag siyang magbasa ng reports sa kahon ng gatas sa tabi niya sa presidential limo o jet.
Nasira si Joseph Estrada ng “midnight cabinet”. Ito ang mga kainuman at ka-mahjong magdamag na nagpabalato nang malalaking kontrata sa gobyerno at nag-abot ng kickback. Tuloy, nasentensiyahan siya ng plunder sa tobacco taxes, jueteng, at stock market manipulation.
Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
Kung may videocams wala na sanang kontrobersiya sa libong pinatay sa anti-drug operations, sa raids sa mga bahay ng pinaghihinalaang rebeldeng komunista, at sa mga maling enkuwentro ng mga alagad ng batas. Kaya obligahin dapat ito sa pulis, sundalo, National Bureau of Investigation, at Philippine Drug Enforcement Agency, ani Senate President Pro Tempore Ralph Recto.
Nung 2017 isinulong nina Recto at noo’y-Senador JV Ejercito ang P5.4-bilyong pondo para sa mga bagong kagamitan ng pulis, kasama ang body-cams. Pero makalipas lang ang apat na taon at limang PNP chief nakabili ng 2,600 piraso nu’ng Enero 2021. Naantala ang pagbili dahil sa sablay na biddings. Kung 2,600 ang mabibiling body-cams kada taon, aabot nang 100 taon para mabigyan ang bawa’t pulis, iling ni Recto. At 20 taon kung isa sa bawa’t lima lang ang magsusuot ng body-cam sa anumang oras. Pero mura lang ang gadget na ito.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
