SA Pilipinas tinatawanan natin ang nagpapakalbo. Sa India ginagawa ‘yon ng lalaki’t babae bilang sampalataya. At kumikita nang bilyong dolyar ang bansa nila.
Pumupunta ang milyun-milyong Indian, matanda at bata, sa mga templo ni Lord Venkateswara, avatar ni Vishnu. Pinaaahit nila ang ulo para makamit ang pinagdarasal: kalusugan, angat sa buhay, at iba pa.
Sa templo sa Tirumala 1,300 barbero ang naggugupit 24/7 sa 1.2 milyong mananampalataya kada taon. Ginagawang wig ang buhok. Malaking industriya ‘yon sa India. Nu’ng 2019 nagbenta ang templo ng 157 toneladang buhok sa halagang $1.6 milyon, ulat ng Economist.
Milyon ang manggagawa sa mga pabrika ng wig. Nagtatanggal ng buhol, nagsa-shampoo, nagsasalansan. Hinahabi sa iba’t ibang haba, kulay at estilo ng wig.
Halagang $5.8 bilyon ang industriyang wig sa mundo nu’ng 2021. Isang-katlo nu’n ay sa natural na buhok. Nu’ng 2021 nag-export ang India ng $770 milyong buhok ng tao, doble kaysa 2020.
Mas gusto ng nagwi-wig ang natural na buhok. Puwedeng ikulot, iunat, itirintas. Mas mura kaysa synthetic, pero taon ang itinatagal.
Bihira lang ang nagwi-wig sa India. Cannot-afford sila kasi maralita. At pinipili nilang magpakalbo kaysa magpekeng buhok. May nag-i-smuggle pa nga ng buhok sa China at Bangladesh.
Sa Pilipinas marami na ang nagdo-donate ng buhok. Ginagawang wig para sa cancer patients na nalalagasan dahil sa chemotherapy. Napakarangal na layunin. Pagpapalain din sila ng kalusugan, angat sa buhay, at marami pa.
Naging katatawanan sa Pilipinas ang kalbo dahil sa komedyanteng ahit ang ulo: sina Pugo at Tugo, Pugak at Tugak nu’ng pre-War hanggang dekada 1960.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).