Asahang magka-shortage ng bigas sa Pasko.
Kapos ang ani ng palay sa Pilipinas. Kailangan umangkat kada taon ng 2.9 milyong tonelada. Bukod pa ru’n ang 508,000 toneladang emergency buffer stock ng gobyerno nang 15 araw para sa sakuna.
Ang problema, malamang walang mabilhan ng ganu’ng bultong bigas ang Pilipinas.
Nu’ng una binaha, tapos na-drought ang mga palayan at taniman ng trigo sa China. Labis na tagtuyot din sa Indian subcontinent at America. Tumaas nang konti ang ani sa Vietnam, Thailand at Cambodia, mga tradisyonal na bilihan ng Pilipinas. Walang labis na bigas ang mga kapit-bansang Myanmar, Laos, Malaysia, Indonesia, Timor, Taiwan at Japan. Walang pambenta sa atin.
Mas masaklap, hindi natutulungan ang mga Pilipinong magpapalay. Nitong Setyembre lang nagsimula ang Land Bank mamahagi ng tig-P5,000 ayuda ng taon 2021. Para ‘yon sa 400,000 na may mas maliit sa dalawang ektaryang palayan sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon at Western Visayas. Ang 2021 na ayuda para sa 600,000 pa ay pinamahagi ng Development Bank of the Philippines nu’ng Hulyo. Wala pa ang ayuda para ngayong 2022.
Gumawa ang gobyerno ng ilang munting patubig at namigay ng binhi. Bukod du’n hindi malinaw kung saan ginasta ang P10 bilyong Rice Competitiveness Enhancement Program. Umaangal ang magpapalay sa kamahalan ng pataba at pesticide. Walang modernong patuyuan. Kapos sa makinarya at transportasyon. Bahala na ang magpapalay magpa-bodega at magpabayo.
Politikal na isyu ang bigas. Kapag kinapos ito, pipila ang mamimili sa bilihan. Mawawalan ng tiwala ang publiko sa gobyerno.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).