Fake news na umutang ang Noynoy Aquino administration at iniwang bayarin ng bansa ang P5.9 trilyon. Ang halagang ‘yon ay running balance ng mga natitirang utang ng anim na panguluhan mula kay Marcos. Ang inutang mismo ni Noynoy sa anim na taong administrasyon ay P1.37 trilyon. Malaki rin—25% ng kabuuan. Nakalista lahat sa Department of Finance kung saan-saan ginasta ang P1.37 trilyon na ‘yon.
Totoo na halos dumoble ang utang ng bansa sa termino ni Rody Duterte. Ang P5.9 trilyon na inabutan niya nu’ng 2016 ay naging P11.73 trilyon nu’ng 2021. At uutang pa siya ng P2.47 trilyon ngayong 2022. Ang maiiwan ni Duterte na utang sa loob ng anim na taon ay P13.42 trilyon. Sa kabuuang ‘yon, P8.3 trilyon ang inutang niya.
Babayaran nating lahat ‘yan. Kaya masasabing nakasanla tayong 110 milyong Pilipino—pati sanggol—nang mahigit tig-P100,000. Aray!
Nagnanakaw sa kaban ng bayan kasabwat ang mga kapartido, at binabalatuhan nang maruming kontrata ang mga nagpondo sa kampanya. Binabahagihan ng ninakaw ang mga heneral, huwes, at kongresista para panatilihin sila sa puwesto. Mali malulong sa maruming kayamanan.
Niluluklok ang asawa, anak, at kapatid para palawakin ang poder. Nandadambong nang bilyun-bilyong piso na hindi naman mauubos miski ng mga apo nila. Samantala, pinananatiling mangmang at palaasa ang taumbayan sa dynasties nila. Mali ang malango sa kapangyarihan.
Naukit ang pangalan ni Alexander sa kasaysayan ng mundo. Dahil ito sa kasimplehan at pagkumbaba, sa pagkilala na hindi yaman kundi mabuting palakad ang dapat niyang atupagin.
Kabaliktaran ang maraming pinuno natin. Walang hanggan ang pagkaganid. Akala ba nila rerespetuhin ang mga nitso nila? Mali sila. Duduraan, iihian, isusumpa ang kanilang mga libingan. Nararapat lang.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).