stock image
MULA nang maimbento 200 taon noon, maraming bansa ang gumagawa ng tradisyonal na bakuna. Pinaka-malaking pabrika sa mundo ang Serum Institute of India. Sa Pilipinas 100 taon na ito. May lab sa Muntinlupa ang University of the Philippines Institute of Hygiene, ngayo’y Institute of Public Health. Nu’ng 1939, idinaan sa Philippine Red Cross, nagbigay ang lab ng mga libreng bakuna sa China, na pobre noon.
Nu’ng siglo 1700 kumalat sa mundo ang nakamamatay na smallpox. Kailangan ng tao maging immune, naisip ng mga pantas. Kumuha sila ng nana sa ilalim ng smallpox ng pasyente at ibinaon sa balat ng walang sakit – para mahawa nang mild lang. Tinawag ‘yon na “variolation” dahil nagtatanim ng virus, inulat ni Tom Standage sa “1843 Magazine”. Kaya lang severe kung minsan ang impeksiyon.
Nabatid na mahinang uri ng smallpox ang cowpox na tumatama sa mga baka. Mas ligtas ito ibaon sa balat ng malusog, ani British Dr. Edward Jenner n’ung 1798. Tagumpay. Naging vaccination ang tawag, mula sa “vacca”, Latin ng baka, bakuna sa Pilipino.
Konti lang ang baka na may cowpox. Para paramihin at maitabi ang bakuna, nilagay ni Dr. Jenner ang pinatuyong cowpox sa sinulid, ipinadala sa America, at doon binasa at ibinaon sa braso ng mga tao.
Sinuri sa Spain ang paghawa ng sugat sa braso ng maysakit sa braso ng malusog. Nagpadala ng 22 ulila edad-3 hanggang -9, bakunado ng cowpox, sa mga kolonya sa Latin America. Pagtawid-dagat isang ulila na lang ang may buhay na cowpox pero naparami muli ito roon.
Mula sa vaccination center sa Mexico, nagpadala ng 26 ulilang lalaki sa Pilipinas n’ung 1803. Laking tuwa ng mga Kastila at mestizo sa dumating na kaligtasan sa pandemya. Mula sa Pilipinas dinala ang bakuna sa China, at mula sa China tumungo sa India. Maski naggigiyera ang Britain at Spain noon, nagpapalitan sila ng kaalaman sa bakuna. Parang noon, nagtutulungan ang mundo ngayon kontra COVID-19.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).