Nanalo sa Paris arbitration nu’ng Mar. 2022 ang Sulu Sultanate kontra Malaysia. Pinagbabayad ng korte ang Malaysia ng $14.92-bilyong upa sa paggamit sa Sabah nang 200 taon. Ayaw tumupad ng Malaysia. Ayaw tumulong ng Marcos admin para makasingil ang Sulu Sultanate.
Dalawa ang habla ng Pilipinas kontra Malaysia. Una ang pagsingil ng Sulu Sultanate ng upa. Ikalawa ang soberenya ng Pilipinas sa Sabah. Pitong punto ang nagpanalo sa Sultanate sa Paris. Pinaninindigan ng gobyernong Pilipino ang pitong punto ring ‘yon sa usaping soberenya:
(1) Pag-aari dati ang Sabah ng Sultan ng Brunei. Ibinayad niya ito nu’ng 1704 sa Sultan ng Sulu na tumulong sugpuin ang rebelyon doon.
(2) Sa mga dumaang panahon kinilala ng Britain, Netherlands at Spain ang soberenya ng Sultan ng Sulu sa Sabah sa pakiki-tratado dito.
(3) 1878 ipinaupa ng Sultan ng Sulu kay Austrian Baron de Overbeck ang Sabah ng $1,000 kada taon. Hindi nagtagal, inilipat ni Overbeck ang rights sa Sabah kay British Alfred Dent. Ipinasa naman ni Dent ang rights sa tinatag niyang British North Borneo Company.
(4) Kinalaunan inilipat ng BNBC ang rights sa British Crown. July 10, 1946, ika-anim na araw ng kasarinlan ng Pilipinas mula America, inangkin ng British Crown ang soberenya sa North Borneo (Sabah).
(5) Dekada-’60, linahad ng gobyernong Pilipino sa UN ang soberenya sa Sabah. Dahil hindi mga estado, walang poder sina Overbeck at Dent ipasa ang soberenya sa Crown. Wala rin karapatan ang Crown na isali ang Sabah sa Malaysia na pinalaya nu’ng Sep. 16, 1963.
(6) Itinabi ng Pilipinas ang usapin dahil sa gulo sa Mindanao at tulong ng Malaysia sa peace process. Samantala, nagpa-referendum ang Malaysia at mayorya raw ang nais manatili ang Sabah sa Malaysia. Tinuligsa ito ng Pilipinas dahil hindi malayang nakaboto ang Sabahons.
(7) Nakaugat ang pag-aari ng Sulu Sultanate sa Sabah sa lease contract ni Overbeck tapos kina Dent, BNBC, Crown, at Malaysia, na nagbayad ng $1,000 taon-taon. 2013 huminto magbayad ang Malaysia.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).