Dalawampung beses marahang nililindol ang kapuluan bawat araw, anang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs). Pero sa loob ng isang taon 100-150 ang malalakas na yanig. Nakakagiba ng gusali, nakakawakwak ng lupa, nakakabunsod ng tsunami.
Sa dami ng faults, lahat ng rehiyon ay nanganganib sa The Big One, lindol na Magnitude 7.2-pataas, babala ni Science Sec. Renato Solidum. Bubuwal ang mga poste’t tore; puputok ang tubo; mawawalan ng tubig, kuryente, telekomunikasyon; guguho ang mga tulay; magkaka-kalat-kalat na sunog. Magkakamatayan sa bahay-bahay; mapupuno ang mga ospital; mahihirapan ang bumbero sa dami ng kalat sa kalsada.
Tungkulin ng bawat isa ang kaligtasan. Problema nga lang, ayon sa Social Weather Stations surveys, pakonti nang pakonti ang mga Pilipinong handa. Kulang sa earthquake drills. Nakalimutan na ang Go Bag ng gamot, tubig, pagkain, damit, toiletries, emergency tools na flashlight at power bank, at mahahalagang dokumento. Una dito ang government ID, blood type, at emergency contact information.
Man lang, alamin ng bawat isa kung ligtas kontra lindol ang tinitirhan. Hinigpitan ang engineering standards nu’ng 1992, makalipas ang 1990 magnitude 7.7 lindol na sumira sa Metro Manila, Cavite, Nueva Ecija, Dagupan at Baguio. Naipit sa guho ang mag-aaral at naka-hotel, lumubog ng isang metro ang mga gusali. Inamyendahan ang National Building Code nu’ng 2005.
Lumikha ang Phivolcs ng app para masuri kung ligtas ang tirahan. Meron itong 12 tanong. Bawat isa masasagot ng eksaktong impormasyon, o kaya’y hindi malinaw o matiyak. Sa ganu’ng paraan maiga-grado kung pasado o lagpak ang marka ng tirahan. I-download ang How Safe is my House app sa Google Play at Apple IOS phone.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).