Sabi-sabi na episyente ang tren ng Italy sa diktadurya ni Benito Mussolini. Marahas man daw ang mga diktador, epektibo naman. Ibinabandera na mula 2002 ay doble ang kaunlaran sa mga diktadurya kaysa demokrasya. Pero sa totoo, parating atrasado ang mga tren at iba pang serbisyo-gobyerno ni Mussolini. At tila dinodoktor ng mga diktadurya ang GDP (gross domestic product) nila, anang The Economist.
Isang pangtiyak kung totoo ang ulat na GDP ang liwanag ng bansa sa gabi batay sa litrato ng satellites. Sinuri ni ekonomistang Luis Martinez ang satellite images nu’ng 2002-2021 ng mga bansang diktadurya at demokratiko sa talaan ng think-tank Freedom House. Base sa pagtindi ng liwanag sa gabi sa sunud-sunod na taon, totoo nga na marahan ang pag-unlad ng mga demokratikong lipunan. Lumitaw din na, taliwas sa ibinanderang GDP ng mga diktadurya, mas mahina ang itiningkad nila. Sa dalawang dekadang pinag-aralan, kalahati lang ang dagdag-liwanag. Ibig sabihin sinasalsal nila ang datos, anang Economist.
Dahil madali, pinakamalimit manipulahin ng mga diktadurya ang paglago ng investments at gastos ng gobyerno, ani Martinez. Bakit? Kasi naghahambog sila na mahuhusay kuno. Binobola ang madla sa mga populistang pahayag. Pati mga alipores sa gobyerno nagbubulaan din. Maaalala na, nu’ng 1983 nang pabagsak ang ekonomiya matapos patayin si Ninoy Aquino, pinalamutian ni Central Bank chief Jaime Laya ang dollar reserves ng Pilipinas para makautang sa abroad. Bago maging prime minister at economic czar ng China si Li Keqiang, binabalewala niya ang GDP nu’ng provincial Communist Party chief siya.
Paglipas ng panahon ng Hapon, dalawang beses lang bumagsak ang GDP ng Pilipinas. Ito’y sa pangulohan nina Ferdinand Marcos, 1965-1986 at Rodrigo Duterte, 2016-2022. Ulat ‘yan ni Franklin Ysaac, dating presidente ng Financial Executives Institute. Sadsad sa -10.7% nu’ng 1984-1985, at -16.9% nu’ng 2020. Ano kaya ngayon sa mga anak nila?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).