Siyam sa bawat 10 Pilipino ang nag-aalala sa dagsa ng fake news, ayon sa Pulse Asia survey nu’ng September. Mas dumami na sila; nu’ng February, 7 sa 10 ang takot sa fake news, anang Social Weather Stations.
Siyamnapung porsiyento ng Pilipino ay nakapanood, dinig at basa na ng fake news tungkol sa gobyerno at politika, ulat ng Pulse Asia. Ito raw ang mga sanhi: social media, 68%; tv, 67%; radio, 32%; kaibigan/ kakilala, 28%; pamilya/ kaanak, 21%; lider komunidad, 4%; dyaryo, 3%; lider relihiyon, 1%.
Ito ang nakakabahala sa akin. Paniwala ng 68%, mga social influencers/bloggers/vloggers ang pangunahing nampe-fake news tungkol sa gobyerno at politika; journalists, 40%; pambansang pulitiko, 37%; panlokal na politico, 30%; lider sibika/NGO, 15%; negosyante, 11%; akademya/ guro, 4%.
Bilang journalist nang 44 taon, mahalaga sa akin ang imahe namin. Kredibilidad lang ang puhunan namin. Kung hindi kami pinaniniwalaan ng madla, walang saysay ang krusada namin para sa katotohanan at laban sa katiwalian. Maraming journo marahil ang pinagdududahang nambobola lang pabor o kontra sa gobyerno at pulitika. Nababalewala ang sakripisyo ng iba, bingit-buhay pa, para sa Diyos at bayan.
Masaklap na mas konti ang naniniwala na nang-uuto ang pambansa at panglokal na pulitiko. Sila, hindi ang journo, ang may motibong lokohin ang taumbayan. Karamihan sa kanila ay nais maluklok hindi para magsilbi kundi dahil sa ambisyon, para mangurakot at para panatilihin ang political dynasties.
Wala pang journo na nandambong o nagtatag ng dynasty. Sa pulitiko, daan-daan na—mga mag-ama, mag-asawa at magkapatid na nag-Presidente, VP, senador, kongresista, governor, mayor.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).