AANGKAT ang bansa ng dagdag 150,000 toneladang asukal pang-2023. Anang Sugar Regulatory Administration pam-buffer ito, sakaling magkasakuna. Mumura ba ang presyo pabor sa mamimili, o mananatiling mahal pabor sa kartel?
Nagpa-import na ang SRA nu’ng Pebrero: 200,000 tonelada pambenta, at 240,000 pam-buffer. Nanatiling mahal ang asukal. Tatlong importers lang kasi ang pinayagan. Pinili sila ni Agriculture Senior Usec. Domingo Panganiban mula sa 3-pahinang listahan ng 120 importers.
Utos umano ni President at Agriculture Sec. Ferdinand Marcos Jr. na ilimita sa tatlo ang importers, ani Panganiban sa Senado. Nakipagpulong kay Marcos Jr. ang tatlo. Nag-viral ang litrato nila.
Ipinasok ng tatlo ang Thai sugar nang P25,000 kada tonelada. Isinalya nang P70,000. Sa tubong P45,000 kada tonelada, kumita sila ng kabuuang P19.8 bilyon.
Ang wholesalers na bumili sa tatlo ay nagpatong ng P15,000 kada tonelada. Naging P85,000 ang bultuhan, o P85 per kilo ang pasa sa tindahan. Nagpatong ang magtitingi ng P15-P55. Nagdusa ang mamimili sa pinal na presyong P100-P140 per kilo. ‘Yan ang resulta ng “government-sponsored cartel”, angal ni Sen. Risa Hontiveros.
Dati-rati dalawang dosenang importers ang ina-accredit ng SRA. ‘Yon ay para walang kutsabahan sa presyo. Pero ngayon pati Malacañang ay nagpapanatiling mahal ang asukal.
Ibinenta nang presyong-kartel P70 per kilo sa Kadiwa rolling stores ang 9,827,000 kilong smuggled sugar na nasabat ng Customs. Wala namang puhunan ang gobyerno roon. Dapat P5 per kilo lang itiningi sa Kadiwa kasi ‘yun ang nawalang buwis kada-kilo ng kontrabandong asukal. Kinawawa pati mga maralita.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).