Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
-Sinusuri ng mga eksperto kung ano na ang mangyayari sa rebeldeng New People’s Army. Isinilang ang NPA nu’ng Marso 29, 1969 bilang hukbo ng Communist Party of the Philippines. Misyon ng NPA na ibagsak ang kasalukuyang sistemang politika at iluklok ang CPP sa pamunuan ng lipunan. Taktika nito na “paligiran ang mga lungsod mula sa kanayunan”, turo ni Mao Zedong.
Limampu’t apat taon na bukas ang NPA. Sa pakiwari ng marami nating rebelde, hindi na ito makakamit ang layunin. Maraming dahilan:
– Pumanaw na sina CPP founder Jose Maria Sison at mga katiwala niyang chairman at secretary general, ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon. Patay na rin o retirado sa pagrebelde ang mga unang lider. Mahihirapan humalili ang mga batang kadre. Hihina ang CPP.
– Hiwa-hiwalay ang mga batang lider ng NPA sa iba’t ibang rehiyon. Wala silang sentralisadong kumander. Di tulad nu’ng dekada-’80 sa ilalim ni NPA chief Rodolfo “Kumander Bilog” Salas.
Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
– Hindi nila mapapalibutan ang mga lungsod. Mananatili silang nagtatago sa mga gubat. Tinutugis sila doon ng mga sundalo.
– Kailangan ng mahahaba at malalakas na armas para makamit ng NPA ang “strategic stalemate” at “strategic offensive”. Nagawa ito ni Mao sa China sa tulong ng Soviet Union na nagbigay ng mga kanyon at riple. Tumulong naman ang mga Soviet at Communist China sa Vietnam nu’ng dekada-’70. Lumusob sa Ho Chi Minh Trail ang mga tangke at truck ng North Vietnam para suportahan ang Vietcong sa South.
– Walang komunistang bansang tutulong sa NPA at tiyak bistado kung magpupuslit ng maramihang armas sa Pilipinas. Natiklo ang dalawang arms landing ng CPP-NPA sa MV Karagatan at MV Andrea.
Kaya agaw-armas na lang ang NPA kung may engkuwentro sa sundalo.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).