Isa sa pinaka-dramatikong eksena sa Lumang Tipan ang paggapi ni David kay higanteng Goliath. Humalaw ako ng aral mula r’un. Sa sampalataya, tiyaga at tapang maiigpawan natin ang anumang higanteng problema. Payo ‘yan ni pilosopo’t makatang Bernie Lopez sa kanyang inspirational blog na Eastwind.
Hamak na batang pastol lang si David. Hindi siya nag-aaksaya ng panahon sa kalokohan. Hinasa niya ang sarili sa paggamit ng tirador. Gawa ang sinaunang sandata sa balat ng hayop na isang dipa ang haba. Sa gitna ay mas malapad ito para paglagyan ng bato. Paiikutin ito nang mabilis hanggang maipon ang centrifugal force. Tapos bibitawan ang isang dulo, para tumalsik ang bato sa lakas ng puwersa. Pero dapat marunong umasinta. Sinanay ni David ang sarili hanggang makapatay siya ng mga lobo at leon na umaatake sa mga tupa.
Nang lumusob ang hukbong Filisteo, nanguna si Goliath sa pagkatay sa mga Israelita. Natinag ang huli sa kahahamon ng higante kung sino pa ang lalaban sa kanya. Sa atas ng Diyos humarap si David, bitbit ang tirador at bato laban sa malalaking sibat at espada ni Goliath. Nasapol niya ito ng bato sa noo, at nang matumba ay pinugutan ng espadang nabitawan ng higante. Kumaripas ng takbo ang mga kalaban.
Sa 20 buwan ng pandemya nahasa na tayo sa mga safety protocols. Pero kailangan pa ng tiyaga at tapang hanggang lubos na malampasan ito, at tiwala na hindi nagpapabaya ang Diyos.
Hindi nagpatinag si Hidilyn Diaz sa hirap ng pag-eensayo at lakas ng kalaban. Sa tiwala sa Diyos at sarili nakamit ang Olympic gold medal.
Humiling sa Diyos. Aniya sa 2Cronica 7:14: ‘‘Kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at dumalangin, at hanapin ang aking mukha, at talikuran ang kanilang masamang mga lakad; akin ngang didinggin sa langit, at ipatatawad ko ang kanilang kasalanan at pagagalingin ko ang kanilang lupain.’’
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).