PERSONALIDAD, hindi partido, ang batayan ng marami sa paghalal. Ang kandidatong President ay maaring kontra partido ng VP. Halo-halong partido ang mga senador, kongresista at lokal na opisyales.
Laliman natin ang pagkilatis sa “personalidad”. Huwag lang kasikatan, hitsura o bokilya. Pagkatao ang suriin natin. Ihalal ang magbabangon sa bansa mula sa tatlong krisis: hanapbuhay, pandemya, at pambu-bully ng China. Ipinapayo ang apat na pamantayan:
(1) Korap ba ang kandidato? Huwag natin isipin na pare-pareho lang silang kawatan. Kung ang dalawang unang pinag-pipilian natin ay may record ng pandarambong, burahin na sila sa isip. Pumili ng iba. Kumakandidato ang magnanakaw para makakulimbat pa lalo.
(2) Political dynast ba? Sabay-sabay o halinhinan sa puwesto ang mag-asawa, magkapatid, magulang at anak. Sila-sila na lang. Napapadali ang pagnanakaw at pagprotekta sa isa’t isa kontra sa habla ng graft. Lahat ng lugar na kontrolado ng dynasts ay hindi umuunlad ang hanapbuhay, kalusugan, edukasyon, kalikasan, at serbisyo.
(3) Tuta ba ng China? Tumutuligsa ba siya o tahimik sa pag-aagaw ng Beijing ng ating mga isda, bahura, oil at gas? Kapartido ba siya ng mga traydor, kulaboretor at propagandista ng Communist China?
(4) Balik-harap ba at walang isang salita? Kung baguhan siya, may nagawa ba itong sariling programa? Kung re-eleksiyonista, natupad ba ang mga pangako? Suriin ang asawa, magulang at kapatid niya. Sila ang pangunahing mag-iimpluwensiya sa pag-iisip niya. Simple at sinsero ba sila sa pamumuhay? O nagkukunwaring pala-simba pero sangkot sa prostitusyon, sugal, droga at maduming kontrata sa gobyerno? May opisyales na kunwari’y malinis, pero mga kaanak ang direktang nandarambong para sa kanila. Maging mapangmatyag, mapanuri.
Para sa pagbabago, huwag ang korap, dynast, traydor, at balik-harap. Piliin ang totoong magsisilbi.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).