MATAPOS ang dalawang taong pandemic at isang taong Ukraine war, ano na sa 2023? Anang Economist magazine, giyera ang haharapin ng mga bansa, at kalituhan sa enerhiya at ekonomiya. Sampung sapantaha:
(1) Binabawi ng Ukraine ang mga teritoryong naagaw ng Russia. Pero nagsasawa ang America armasan ng missiles ang Ukraine. Malamang mag-stalemate.
(2) Magre-recession sa America at Europe. Magmamahal lalo ang enerhiya at pagkain sa maliliit na bansa, damay ang Pilipinas.
(3) Petrolyo pa rin ang pangunahing sanhi ng enerhiya. Pero dahil mahal ito, mas lalago ang alternatibo: solar, wind, nuclear at hydrogen.
(4) Sa Abril lalampasan na ng India ang populasyon ng China, sa lebel na 1.43 bilyong tao. Pahina ang ekonomiya ng China. Lulupaypay ang trade partners nito, pati Pilipinas.
(5) Lalala ang hidwaan sa America sa isyu ng abortion at baril. Gugulo ang politika sa hangad ni Donald Trump mag-presidente muli sa 2024. Bulabog ang mundo.
(6) Mahahawa ang mga kapit-bansa sa giyera sa Russia-Ukraine war. Maaring angkinin na ng China ang Taiwan, at banggain ang India sa Himalayas. Balak ng Turkey agawin ang Greek island sa Aegean Sea.
(7) Palalawakin ng Israel ang Abraham Accords bukod sa United Arab Emirates at Bahrain. Tatanggap ang NATO ng dalawa pang kasapi. Patatatagin ng America ang Quad alliance at AUKUS kontra China. Sisigla ang I2U2 ng India, Israel, UAE at USA.
(8) Bibiyahe muli ang madla; balewala na ang coronavirus.
(9) Magbabagong-identity ang ilan: maglalaro, magtatrabaho, maninirahan, malululong sa Metaverse. Tutuyain sila ng marami.
(10) Mauuso ang mga bagong salita: “green”, “blue”, “turquoise”, “pink” at “grey” hydrogen kontra “black” at “brown”. Papalitan ang SIM ng “eSIM”, at passcodes ng “passkeys”. Ano ang “mixed reality”, “frozen conflict”, “regasify”, “aridify”, “dead pool”, “TWaT city”?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).