Isyu sa Halalan 2022 ang pag-agaw ng Communist China sa siyam na bahura at isla, at pagnanakaw ng isda sa West Philippine Sea. Napepeligro ang 350,000 mangingisda at nagmamahal ang pagkain natin.
Kontra o panig ba ang presidential candidates sa pambu-bully?
Nilantad ni Panfilo Lacson ang “immersion mission” ng 3,000 espiyang Chinese sa mga komunidad at sektor natin. Makiisa raw tayo sa mga bansang umaangal sa pananalakay ng China.
Wasto para kay Bongbong Marcos ang pagka-dungo ni President Duterte sa Beijing. Aniya, “May mga nagsasabing bumili tayo ng jets at patrol boats, para kung mapalaban. Bakit natin iisiping lumaban? Tapos na ang giyera nang isang linggo; talo na tayo.” Malapít siya sa Chinese Communist Party. Sa Facebook post nu’ng 2018, pinuri niya ang delegasyon ng CCP na pinasinayahan nila ng kanyang ina. Ang probinsiya niyang Ilocos Norte raw ang pinto ng China sa Pilipinas.
Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
Plano ni Isko Moreno ang joint development ng China sa langis at gas, basta sa ilalim ng batas ng Pilipinas. “Importante sa akin na mapakinabangan agad ang likas na yaman,” aniya. “Kung may langis, e ‘di mapapamura ko ang kuryente ng mga tao.”
“Nakukulangan ako,” ani Manny Pacquiao sa patakaran ni Duterte. Sana raw maging matigas ang Presidente tulad nu’ng kampanyang 2016, para igalang ng China.
Makikipagtulungan sa China si Vice President Leni Robredo sa larangan ng kalakalan at pamumuhunan. Pero sa usapin ng WPS, “Hindi natin sila makakasundo kung ayaw nilang tanggapin ang pagkapanalo natin sa 2016 international arbitral ruling.”
Sundan ang mga dagdag pa nilang sasabihin. Linangin kung sino ang tuta na ipagkakanulo tayo sa Beijing.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).