BEST friend ng tao ang aso. Pero iba-iba ang paboritong lahi ng aso ng mga bansa. French poodle ang national dog sa France, pero karamihan du’n ay may alagang Australian shepherd. Bakit gan’un?
Sinuri ng Economist Magazine ang mga maaring dahilan batay sa rehistro ng lahi ng 86 milyong aso sa national kennel clubs ng siyam na bansa: America, Britain, Finland, France, Germany, Japan, New Zealand, South Africa at Sweden. Nakakagulat ang ilang resulta.
May mga makabayan sa pag-alaga ng lahi ng asong sibol sa kanila. Walumpo’t tatlong porsiyento ng sampung pinakasikat na lahi ng aso nitong nakaraang sampung taon sa Germany ay mula sa Doberman Pinscher, Dachshund, Rottweiler, Pomeranian, Schnauzer, German Shepherd, Boxer, Pudelpointer, atbp. Tatlumpo’t tatlong porsiyento lang sila sa walong ibang bansa. Nagmula rin nga pala ang Great Dane sa Germany, hindi sa Denmark.
Tila may epekto ang kolonyalismo. Paborito sa New Zealand at South Africa ang mga asong British. Tumatak sa kasaysayan ang nasyonalismo. Sinagisag ng World War I propaganda ng mga Aleman ang German Shepherd, na bigla namang nalaos sa America at Europe.
Praktikal ang Hapon. Paborito nila ang mga lahing bulinggit: toy poodle, chihuahua at dachshund, na hindi tubong Japan. Akma at kapaki-pakinabang sila sa mataong lungsod at maliliit na apartments.
Nauuso sa America ang mga lahing bumibida sa pelikula at tv. Tatlumpo’t isang taon nang paborito ang Labrador na sumikat sa “Marley and Me”. Tuwing nire-rerun ang “101 Dalmatians”, 1961, 1969, 1979, 1985 at 1991, dumarami ang nirerehistro. Sikat ang Beagle sa US dahil malimit isama ni Norman Rockwell sa paintings niya. Lalong sumikat ang Beagle dahil kay Snoopy sa Peanuts comics strip mula 1950.
May dalawa akong itim na askal (mongrel) noon. Ipinangalan ko sa magkapatid na sentensiyadong rapists na Corcolon. Hinahalay kasi nila lahat ng babaing aso sa komunidad.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).