MILYONG taon nakalipas, nu’ng mga higante ang nakatira sa mundo, may isang pamilya: si mandirigmang Lusong, ang magandang asawang Sierra, at kambal na anak na Iloco at Tagalo. Humahango sila ng pagkain sa dagat, nangangaso at pumipitas ng prutas sa gubat.
Malimit silang gambalain ni Bugsong Hangin, hari sa silangan, na dating manliligaw ni Sierra. Galit siya dahil hindi siya ang pinakasalan ni Sierra. Tinatangka ng hukbo ni Bugsong Hangin na lupigin ang pamilya. Tinutumba ang mga puno, binubunot ang mga tanim, nilulunod ang mga hayop.
Sa isang paglusob, nagtuos sina Bugsong Hangin at Lusong. Nagapi ang huli sa matinding labanan habang nanonood ang kanyang pamilya. Naghihingalo, ibinilin ni Lusong kay Sierra na ipagtanggol ang kambal. Nangakong tutupad si Sierra. Humiga siya patalikod sa dagat, nakabantay kina Iloco at Tagalo. Muli umatras ang kalaban.
Tumubo at yumabong ang gubat sa katawan ni Sierra. Dumaloy ang maraming ilog. Nanirahan doon ang maririkit na bulaklak, paruparo, ibon at usa. Puro likas na yaman. Malimit pa rin nambubulabog si Bugsong Hangin, pero parati siyang sawi. Umaatras sa silangan, bumubuo ng bagong hukbo at pinaplano ang muling pagsalakay.
Tulungan natin ngayon si Sierra Madre. Huwag natin hayaang manaig ang anumang sumisira sa kanya. Ihinto ang pagkakaingin na kumakalbo sa gubat at pumapatay sa hayop. Tigilan ang pagmimina na pumapatag sa bundok at lumalason sa ilog.
Patuloy ang quarrying sa gilid-gilid ng Sierra Madre, sa ngalan ng “infrastructure development”. Binabaha tuloy ang mga bahayan mula Cagayan sa hilaga hanggang Quezon-Bicol sa timog. Nalulunod ang tao. Nasisira ang sakahan, tirahan at tindahan. Panahon nang kumilos.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).