Sa mga bakunahan kapansin-pansin na karamihan ng matatanda ay nakapustura: pantalon, shirt, bestida, palda, blusa, at sapatos. Ang mga nakababata ay naka-shorts, sando, pang-jogging, at tsinelas.
Nagbihis panlabas ang matatanda dahil ‘yon ang nakaugalian nila. Nu’ng dekada-60-70 kapag sumasakay ng eroplano ay naka-coat and tie pa nga. Pumorma rin sila ngayon sa bakunahan kasi malaking okasyon sa kanila ang makalabas muli matapos ang 18 buwan na lockdown. Muli nakapagsuot sila ng magarang damit na matagal nang naka-aparador.
Naka-pambahay lang ang nakababata dahil ‘yon ang komportable. Hindi sila naiilang lumabas nang gan’un-gan’on lang kasi lahat naman ng ibang ka-edad ay pareho ang suot. Sa maraming bansa noong 2020 sumipa nang 20% ang benta ng mga damit pambahay at pang-exercise.
Ngayon pa lang iniisip na ng fashion designers ang mga damit na bagay para sa pagwakas ng pandemya. Sinasabing mauuso ang mga maluluwag na pambahay at workout dahil karamihan ay magpapatuloy sa work-from-home. Babalik sa uniporme ang mga kompanya at eskuwela pero mauuso raw ang shorts at maiikling palda, para maaliwalas at madaling kumilos.
Ang fashion ay sasabay sa pangangailangan ng panahon: tumutugon sa mga health protocols, ulat ng trends magazines. Kaya dapat ay kasuotang madaling magsabon o alcohol ng kamay, protektado ang katawan, at maginhawa sa balat.
Hula ng fashion writers na mauuso rin ang malalaking salamin sa mata, maski walang grado. Importante kasi na protektado ito mula sa coronavirus transmission. Magiging pabonggahan din ng sunglasses, aksesoryang kumikita nang bilyun-bilyong dolyar kada taon. Pati sa maiinit na pook ay mauuso ang guwantes, malinis ipanghawak.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).