NALANTAD lalo nitong pandemya ang malawak na agwat ng maralita at mayaman, ng karaniwang tao at mataas na pinuno.
Sa simula ng lockdown nu’ng Marso 2020 daan-daan ang dinampot gabi-gabi sa slums dahil sa paglabag sa curfew. Hindi nila maiwasang lumabas ng pinto, kasi siksikan silang mag-anak sa iisang kuwarto. ‘Pag nagpahangin sa labas, iskinita na agad; wala naman silang hardin na maiistambayan para maiwasan ang paghuli ng pulis.
Inobliga lahat mag-face mask, na dapat palitan o labhan araw-araw. At ‘di naglaon mag-face shield din. Mahal naman ang benta; palakasan pa sa maraming botika at tindahan. Malimit maghugas ng kamay. Pero walang tubig sa bahay; pipila pa sa poso ng komunidad.
Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
Nang magluwag ang lockdowns at maari nang magtrabaho, pinayagan ang mga kotse. Ang mahihirap ay naglakad lang sa ilalim ng araw at ulan. Sa kotse puwede ang grupo, pero sa murang motorsiklo bawal mag-angkas ng asawang kasiping namang matulog.
Nang magbalik-eskuwela, online classes lang ang pinayagan. Wala namang gadget at Wi-Fi sa kubo; kandila o gasera lang.
Limitado ang dami ng kakain sa restoran. Bawal magkantahan sa kulong na lugar. Bawal magpalipat-lipat ng probinsiya. Libu-libong stranded sa Kamaynilaan ang tumira sa bangketa sa labas ng pier at airport. Pero palalong nag-post ang mga elitista ng pagbiyahe sa tourist resorts, o nagbi-videoke sa eksklusibong bars.
Naunang nabakunahan ang ilang politiko at taga-Cabinet. Tapos sinabihan ang madla na huwag maging mapili sa bakuna kontra COVID-19; kesyo libre naman daw. Hindi libre ‘yon; buwis mula sa naghihirap na taumbayan ang pinambili nu’n. At may karapatan ang babakunahan na malayang alamin ang kaligtasan at bisa ng turok.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
