Nagmalaki nu’ng Disyembre ang mga senador na tinapyas kuno nila ang confidential/intelligence funds (CIF) ng Secretary of Education. Ginawang P30 milyon na lang daw ang hininging P150 milyon ni Sara Duterte. Nilalang-lang nila ang P30 milyon.
Pero sa bicameral conference committee, ibinalik ng mga senador ang buong P150-milyong CIF. Giit daw kasi ‘yon ng House of Reps. Kung hindi raw pumayag ang mga senador, maaantala ang pagpasa ng 2023 national budget.
May bukod pa si Duterte na P500-milyong CIF bilang Vice President. Kaya P650 milyon ang kabuoang extraordinary funds niya.
Walang law enforcement at intelligence functions ang VP at DepEd. Hindi nito kailangan ni isang kusing na CIF. Mawawaldas lang ang pera. Wala kasing resibo sa liquidation ng CIF. Kathang-isip lang ang kailangan ng head of agency. Hindi mabusisi ng Commission on Audit ang pinag-gagastusan ng CIF.
Pumayag ang mga senador na ibalik ang CIF ni Duterte para maparte na nila agad ang pork barrels nila na nakapaloob sa 2023 budget. Kunwari lang na brinaso sila ng mga representante. Pare-pareho silang political dynasts na nagpapayaman sa puwesto.
Mabuti pang lusawin na lang ang Senado. Ipaubaya na lang sa House of Reps lahat. Makakatipid ang bayan. Mas mabuti lusawin ang buong Kongreso. Mas malaking katipiran.
Sinasabing 20% ng taunang national budget ang ibinubulsa ng mga pulitiko. Mahigit P5 trilyon ang budget para sa 2023. Bente porsiyento nu’n ay P1 trilyon. Kung isara ang Kongreso, P1 trilyon na mananakaw nila ay mailalaan sa edukasyon, kalusugan, pabahay, kabuhayan at infrastructures kada taon. Uunlad ang bansa.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).