Nu’ng Hulyo 2021 sinabi ng World Bank na walo sa 10 mag-aaral na Pilipino ay hindi alam ang dapat na alam na nila sa kanilang grade level. Pangmababang grade pa lang ang natutunan nila. Halaw ‘yan sa tatlong pandaigdig na eksamen ng mag-aaral: Program for International Student Assessment nu’ng 2018, at Trends in Math and Science Study at Southeast Asia Primary Learning Module nu’ng 2019.
Hindi naman pinagbintangan si Education Sec. Leonor Briones dahil epekto ang krisis ng deka-dekadang kapabayaan ng gobyerno. Pero nagalit si Briones dahil hindi raw inulat ng WB ang mga ginagawa niyang remedyo. Nag-apologize ang WB at tinanggal ang ulat mula sa website nito. Ganunpaman hindi nito binawi ang laman ng ulat.
Nu’ng Nobyembre 2021 may bagong ulat ang WB. Mas malala: siyam sa 10 Pilipinong edad-10 ay hindi makabasa. Sa mga nakakabasa, siyam sa 10 ang hindi nakakaintindi ng binasa. Isa lang sa limang pamilyang may bata ang nakakapag-distance schooling mula Marso 2021 — kasing lala ng Ethiopia. Nu’ng 2019 bago magpandemya grabe na — pito sa 10 na edad-10 ay hindi makabasa at makaintindi.
Huwag na sanang sisihin ni Briones ang pandemya, ani private educator Dr. Antonio Calipjo Go. Totoo namang kulelat ang mga batang Pilipino kumpara sa dayuhan, sa ASEAN at mas mahirap na bansa.
Kagagawan ng tao ang krisis. Ang sanhi ay mahinang pamumuno, kawalan ng vision at direksiyon, kakulangan sa plano at preparasyon, pawarde-wardeng programa, at pag-aaksaya ng kapos na ngang budget.
Marami nang binatikos na mali-maling textbooks si Dr. Go. Inuusisa niya kung totoo ang ulat ng Department of Education na 27.2 milyon ang nag-enrol ngayong school year, halos 4% ang idinami mula nakaraan. E sabi nga ng WB ay 20% lang ng mga pamilyang may bata ay nag-o-online learning at 27% lang ang may broadband. Pinakamalaki umutang ang Pilipinas sa WB, pero pinakamababa ang resulta.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).