TATLONG kagyat na isyu ang nais ng madla ipalunas sa magiging Presidente sa Halalan 2022. Ito’y ang kawalan ng trabaho at kita, ang paglampas sa pandemya para makabangon ang kabuhayan, at ang taas-presyo ng mga bilihin. Nakadikit na riyan ang pagbawi ng ating West Philippine Sea mula sa ilegal na pag-angkin ng China. Mahigit 350,000 mangingisda ang hindi makapanghuli sa WPS dahil hinaharang ng Chinese gunboats. Inuubos ng Chinese poachers ang isda natin, katulad ng galunggong. Napipilitan tayong umangkat sa China ng galunggong na nakaw sa atin. Binibili natin ng P220-P240 per kilo, mahal pa sa manok.
Samantala, pinaka-mababa ang talino ng Pilipino sa sampung bansa sa ASEAN. Sa eksameng Program for International Student Assessment 2018 kulelat ang mga estudyanteng Pilipino sa 79 bansa sa Math, Science at Reading Comprehension; sa Trends in International Math and Science Studies 2019 kulelat din sa 64 bansa; at sa Southeast Asia Primary Learning Metrics sa ilalim ng Singapore, Malaysia, Vietnam at Indonesia ang Pilipino, kahelera ang Thailand at Cambodia, at nadaig lang ang Laos at Myanmar. Matapos sa third grade tapos na rin mangarap umasenso ang mga batang Pilipino.
Kapos ang budget sa edukasyon; 3.2% lang ng GDP imbes na 4% minimum. Kulang sa libro at guro, mali-mali ang instructional materials. Pumapasok ang mga bata sa paaralan nang gutom at sakitin. Hindi maka-concentrate sa leksiyon.
Nagsisimula ‘yan sa kapos na nutrisyon. Bansot, payat at putot ang dalawa sa bawat limang batang edad-5. Kasi sanggol pa lang hindi na napaggatas at napakain ng wasto. Kulang sa iodine sa pagkain na nagpapatalas ng utak. Kaya mapag-iiwanan sila ng dayuhang kabataan sa magagandang trabaho. Kumbaga sa karera, wala ang mga batang Pilipino sa starting line nang paputukin ang baril. Talo agad sa default.
Ano’ng solusyon diyan ng ating mga “presidentiables”?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).