Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
ISANG taon mula Halalan 2022 nagpapahiwatig na ang mga kakandidato. Ngayon pa lang piliin natin kung sino ang mga makabayan at makatao. Malilinang ito sa tatlong isyu: China, political dynasties, at pork barrel.
Dungo ba sa China ang kandidato, o adhika niyang labanan ang pang-aagaw ng dambuhalang bully ng ating mga dagat at bahura? Hindi giyera ang paraan ng paglaban. Dapat ay talas ng isip sa diplomasya para igiit ang sobereniya ng Pilipinas at makuha ang suporta ng ibang bansa. Naghihirap ang mamamayan sa pag-aangkin ng China ng ating exclusive economic zone. Hindi tayo makapangisda o makagamit ng likas na yaman sa West Philippine Sea. Mahigit P231.7 bilyon ang pagwasak ng bahura mula 2014, anang marine scientists sa University of the Philippines. Hindi pa kasali ang langis at gas na hindi natin mamina.
Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
Bahagi ba ng political dynasty ang kandidato? Labag sa Saligang Batas ang dynasties. Hindi ito maipatupad dahil ayaw ng Kongreso magpasa ng enabling law noon pang 1987. Sinosolo ng dynasties ang mga lokal na kabuhayan. Naibubulsa ang pera ng bayan, o kaya’y ginugugol sa interes ng angkan. Nagtatakipan sila. Minamana o kaya’y sabay-sabay hinahawakan ang mga lokal na posisyon. Nababansot ang kabuhayan sa pook. Walang trabaho. Muli, pahirap sa mamamayan.
Masiba ba sa pork barrel ang kandidato? Mas lumala ang pork barrel miski hinabla na ng plunder si umano’y pork fixer Janet Lim Napoles. Dati-rati daang-milyong piso ang binubulsang pork ng mga politiko; ngayon bilyonan na, ani Sen. Panfilo Lacson. Sa bulsa ng tiwali napupunta ang pera ng bayan, imbes na magasta sa mga proyektong mapapakinabangan ng mamamayan. Pahirap sa taumbayan ang pork.
Usisain natin ang mga kandidato sa tatlong isyu na ito. Ipalahad natin nang malinaw kung ano ang panindigan nila. Kung mas maraming matino ang mahalal, magkaka-pag-asa ang Pilipinas.