P532.3 bilyon sa 2021 budget ay madadarambong
Di bababa sa P532.3 bilyon sa 2021 national budget ay madarambong. Maari magkutsaba ang mga kongresista at burokrata. Magagamit ang nakaw na yaman para sa eleksiyon, mula pagkandidato sa Oktubre.
Pera ng bayan ang P532.3 bilyon. Madali ito ibulsa ng mga ganid habang abala tayo sa krisis na COVID-19. Walang takot sa Diyos, iniisip nila na malalampasan nila ang pandemya para enjoy-in ang ninakaw.
Nakapaloob ang P532.3 bilyon sa 2021 budget ng Dept. of Public Works and Highways. Binubuo ito ng lump sums at inulit lang na items sa budget ng kasalukuyang taon. Parehong labag sa Konstitusyon at sa pasya ng Korte Suprema ang dalawang uri ng budget items.
Dati nang dinarambong ng mga kongresista ang lump sums at ulit na budget items. Nililipat nila ang pondo para sa mga proyekto sa congressional districts. Kasabwat ang DPWH district engineer, ibibigay ang proyekto sa piling kontratista. Madali ang raket. Mga kongresista rin ang nagpuwesto sa district engineers, at kamaganak nila ang kontratista.
P532.3 bilyon sa 2021 budget ay madadarambong
Partihan sila sa kickback na 10-55% ng halaga. Wala halos natitira sa proyekto. Umikot sa bansa at pansinin ang mga kagagawa pa lang pero lubak-lubak nang mga kalye, ani Sen. Panfilo Lacson. Substandard!
Saksakan nang korapsiyon sa DPWH, ani President Rody Duterte. Walang nasisimulan na proyekto nang walang suhol.
Kinumpirma ng Presidential Anti-Corruption Commission ang katiwalian. Sinumite ang dossiers sa Ombudsman.
Deka-dekada na ang raket. Nu’n pang 1996 tinawag ni Senate President Ernesto Maceda ang DPWH na “flagship of corruption.” Bago pa ang martial law ay binabalatuan na ng mga Presidente ang mga kongresista at kapartido ng public works projects para pagkumisyunan.
Walang nakukulong maliban sa alalay, kaya patuloy ang raket.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
P532.3 bilyon sa 2021 budget ay madadarambong
Got a comment? Or just want to check out what people are saying about this article, then…
More related articles & posts (scroll down):