Nakakanibagong normal ng coronavirus
Gamit na gamit ang limang pandama sa simpleng buhay. Paningin ang pang-alam ng magsasaka kung hinog na ang palay, at ng mangingisda kung ligtas lumayag sa dagat. Sa mata nalalaman ng bata kung pwede tumawid ng kalye, at ng tsuper kung kailangan magmenor o magpreno.
Pang-amoy ang pantiyak ng namimili kung matamis ang prutas, at ng maybahay kung panis ang pagkain. Ang pintor nalalaman sa amoy kung panis ang pintura, at ang bumbero kung anong klaseng sunog — kahoy, kemikal, kuryente — ang hinaharap. Hindi kuntento sina lolo’t lola sa paghaplos sa apo; kailangan langhapin ang amoy araw at pawis!
Panlasa ang pantantiya ng nagluluto kung sapat ang timpla, at ng kumakain kung lalantakan pa ang ulam. Kakambal ng panlasa ang pang-amoy. Kapag sinabing lasang karton o lasang ipis ang isang bagay, hindi ibig sabihi’y kumakain ng karton o ipis ang umaangal; naaamoy niya ang mga ‘yon kaya nalalasahan.
Nakakanibagong normal ng coronavirus
Pandinig — ng tibok ng puso ng ina — ang pampakalma sa sanggol. Tenga ang pandama sa dilim kung umuulan, may sasakyan o ibang tao.
Sa pangsalat alam mo kung velvet o seda ang tela. Tinatapik ang pakwan o niyog kung malaman; pinipisil ang tinapay o isda kung sariwa. Kumakalabit para mapansin; kumukurot para manggigil.
Ginulo lahat ito ng coronavirus. Sintomas ng impeksiyon ang pagkawala ng pang-amoy at panlasa. Iwasang hawakan ang mata, ilong at bibig dahil doon pumapasok sa katawan ang virus. Sagabal ang goggles, facemask at face shield sa paningin, pang-amoy at panlasa. Kailangan talasan ang pandinig kung may masyadong malapit mula sa gilid o likod. Huwag kumamay; siko sa siko na lang. Huwag pumindot ng buton sa elevator o kumapit sa hawakan sa escalator; sundotin na lang ng ballpen, magsuot ng guwantes, at maghugas ng kamay.
* * *
Nakakanibagong normal ng coronavirus
Got a comment? Or just want to check out what people are saying about this article, then…
More related articles & posts (scroll down):