Nagkukumpol-kumpol miski bawal, nakakahawa
Kababawang sabihin na nagkumpol-kumpol ang tao sa Manila Bay para hangaan ang pekeng white beach. Marami du’n ay nagngitngit sa pag-aksaya ng gobyerno ng P400 milyon gayong wala na raw pera pang-ayuda. Mas nakakapagtaka ay kung bakit nagsiksikan ang madla sa pedestrian overpass nang walang face masks at shields sa panahon ng pandemya. Alam naman ng lahat na bawal magdikit-dikit dahil nakakahawa’t nakakamatay ang COVID-19.
Para sa mga maysakit, takót, at maka-agham, ma-daling bansagang mga pasaway ang kulumpong na napanood sa TV. Pero kung walang COVID-19, malamang balewala sa kanila na magkapalitan na ng hininga sa stadium, sinehan, simbahan, pati street demonstration. Tila may kakaibang nararamdamang sarap o ligaya ang tao kapag siksik ang katawan sa marami pang katawan. Bacchanalian orgy, kumbaga.
Nagkukumpol-kumpol miski bawal, nakakahawa
“Walang mas kinatatakutan ang tao kaysa hipo ng ‘di niya alam,” ani Elias Canetti sa 1960 librong “Crowds and Power”. Sa kulumpong lang umano naiigpawan ang takot mahipo ng estranghero. Wala nang pakialam sa maruming kamay o ubo o bahin ng katabi. Mas siksikan ng katawan sa katawan, mala-sardinas sa lata, mas nawawala ang kilabot. Kaya ba masigla tayong sumisiksik sa magulong prosisyon sa piyesta?
Pero may bagong naramdamang takot ang tao nga-yong matagalang isolation dahil sa COVID-19. Ito’y ang ni walang kumakalabit at nakakaniig, ulat ni Virginia Heffernan sa 1843 Magazine kamakailan.
‘Yun nga ba ang dahilan sa kasabikan ng mga pamilya magtipon-tipon miski magkahawaan? Pati mga heneral ng pulisya at mahistrado ay nag-party miski mabatikos o mapagastos sa mahal ng RT-PCR test.
Marahil napulot natin sarap ng pagsisiksikan nu’ng kamusmosan. Noon tabitabi tayong magkakapatid matulog, o magpipinsan kumain, at magkakalaro maligo. Walang mga kamuang-muang. Masaya lang sa pagsasama-sama. Walang bukas. At walang kinatatakutan.
Nagkukumpol-kumpol miski bawal, nakakahawa
Got a comment? Or just want to check out what people are saying about this article, then…
More related articles & posts (scroll down):