ginagapang ng China ang mga kampo militar ng Pilipinas
Unti-unting nilulupig ng mga galamay ng China ang mga kampo ng sandatahang lakas ng Pilipinas, matapos agawin ang mga teritoryong dagat natin. Tinutulungan sila ng mga matataas na lider natin.
Inalis ang Air Force mula sa 49-taon base sa Sangley, Cavite, simula Agosto 2019. Unang hakbang ‘yon sa paggawa at pagpatakbo ng international airport sa Sangley ng isang China state firm.
Sunod aalisin du’n ang pangunahing daungan ng Philippine Fleet. Mahuhubaran ng depensa ang Manila Bay at sentro ng gobyerno, kaba ng Navy. Ang airport ay gagawin ng China Communications Construction Co. Ito rin ang nanguna sa pagkongkteto bilang island-fortresses ng pitong bahura ng Pilipinas na inagaw ng China.
Isa pang kompanyang gobyerno ng China ang pinagkalooban ng pribilehiyo na magtayo ng cellular sites sa mga kampo natin. Maaring gamitin ng China Telecom ang mga tore para magmasid sa mga kilos ng militar natin at makinig sa mga komunikasyon. Makakabitan ‘yon ng mga gamit na pang-espiya at sabotahe. Dalawang batas sa China ang nag-oobliga sa mga kompanya at mamamayan nila na tumulong sa pag-eespiya ng estado, at pagsikreto ng partisipasyong ‘yon.
Marami pang galamay ng estado ng China ang pinasasali sa mga proyektong may kinalaman sa seguridad. Isa rito ang pag-rehab ng Marawi City mula sa pagwasak ng mga terorista.
Samantala inaangkin ng China ang mga teritoryo natin. Ide-dredge ang Scarborough Shoal bilang air at naval base ng China para panapat sa katabing Subic Bay. Pinapalibutan ng daan-daang trawlers ng Chinese maritime militia ang bayan ng Pagasa, Palawan, para guluhin ang air at sealifts doon. Palaging binubulabog ng China coastguards ang mga Pilipinong sailors na nagdadala ng pagkain at gamit sa Marines sa Ayungin Shoal, sa Palawan din.
Bahagi lahat ‘yan ng China “gray-zone operations”.
ginagapang ng China ang mga kampo militar ng Pilipinas
BIHASA ang Chinese Communist Party sa “gray-zone strategy”. Pinagsasanib ang giyera pulitika sa sandatahang opensiba. Ginagamit ang sibilyan sa kilos militar; halimbawa, maritime militia, mga mangingisda, para bulabugin ang Pagasa Island, Palawan.
Sinimulang alisin ang Air Force sa 77-ektaryang Sangley base nu’ng Agosto 2019. Ipinalipat kasi roon ni President Duterte kay Transport Sec. Arthur Tugade ang general aviation mula Manila International Airport. Nawala ang 15th Strike Wing, 451st Supply Squadron, 570th Composite Tactical Wing, at 1398th Dental Dispensary. Ang runway at hangars ay inangkin ng maliliit na eroplanong pambiyahe ng isda at ibang magaang kargamento. Ililipat ang Air Force sa Laguindingan field, Mindanao.
Agosto 2019 din, ika-limang bisita sa China, tinanggap ni Duterte ang 40% pag-aari ng China Communications Construction Co. sa itatayong Sangley international airport. Uutang ng P550 bilyon sa China.
Hindi lang Philippine Fleet ang aalisin. Tanggal din ang fleet support services, imbakan ng krudo at armas, special warfare units, commandos, komunikasyon, engineering, training, at air squadron. Hindi kinunsulta ang Navy sa paglilipat sa loob ng dalawang taon lang. Pebrero 2020 na nang mabalitaan lahat ng Navy. Siyempre nagulat sila.
Noong nakaraang Set. 8, binigyan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ng pribilehiyo ang China Telecom na gamitin ang mga kampo militar para sa cell towers. Mamamanmanan ng kumpanyang China ang mga kilos ng Sandatahang Lakas. Maeespiyahan at maari pang i-cyber-sabotage. Ang China Tel ay 40% partner ng Dito Telecommunity na 3rd telco. May-ari ng Dito si Dennis Uy, kaibigan ni Duterte at pinaka-malaking nag-ambag sa kampanya niya sa pagka-Pangulo nu’ng 2016.
Maari pa maging buong may-ari ang CCCC ng airport at ChinaTel ng 3rd telco. Inaamyendahan ng Kongreso ang Public Service Act; papayagan na ang dayuhan na 100%, di lang 40%, sa public utilities.
* * *
ginagapang ng China ang mga kampo militar ng Pilipinas
Got a comment? Or just want to check out what people are saying about this article, then…
More related articles & posts (scroll down):