Kung anu-ano’ng umano’y kabutihan – nakabinbin pang programa o nais magsilbi – ang ilalahad ni Rodrigo Duterte para tumakbong Vice President sa 2022. Pero anumang ipalabok niya, hindi maikakaila ang totoo. Ayaw niya bumaba sa puwesto para manatili ang immunity from suit. Sa teyorya niya, kung ang President ay hindi maaring isakdal sa anumang kaso habang nasa puwesto, ganundin ang VP. Takot siya na pag-alis niya sa Malacañang ay kakasuhan siya ng pag-mass murder ng mga adik at pushers sa madugong drug war niya. Kasong plunder din dahil sa daan-bilyong nawala umano sa gobyerno nitong termino niya.
Naghahanda na ng mga sakdal, anang koalisyong oposisyon na 1Sambayan. Hindi lang ang mga pagpatay at plunder ang ikakaso; pati mismo ang kandidaturang VP ay ipadedeklara sa Korte Suprema na labag sa Konstitusyon. Lahat ‘yon ay magiging election issues. Mauubos ang oras ni Duterte sa pagpapaliwanag nang malalaking katiwalian ng Cabinet members niya. Ilan sa kanila ay senatorial candidates pa niya. Magiging pabigat sa kandidatura niya ang pagsama nila. Baka mawalan pa ng VP candidate ang administrasyon.
Malaking komplikasyon sa kandidatura ang matagal nang pag-asinta ng anak na si Sara sa Pangulohan. Malaki na ang nagasta sa mga tarpaulin posters ng “Run, Inday, Run” sa lahat ng barangay. Sa tig-isang poster lang na halagang P1,000 kada isa sa bawat 42,046 barangay, hindi bababa sa P42,046,000 na ang naipuhunan.
Mabibigatan ang anak sa Sara Duterte-Rodrigo Duterte tandem. Obligado si Sara bitbitin ang mga senatorial candidates ng ama, miski asiwa siya sa kanila. Mas malaking isyu ang political dynasty, na labag sa Konstitusyon. Lalabas na sakim sa poder ang mga Duterte. Pati ang kandidatura nina Cong. Paolo Duterte at Vice Mayor Sebastian Duterte ay mababatikos. Pera ang magdadala sa kampanyang Duterte; suklam ng madla sa kasakiman ang magdadala sa kampanya ng oposisyon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).